Pigil
Nakakatawa nga naman o. Everytime na pumupunta ako sa isang coffee shop para magkape e andami kong nakikitang tao na pigil. Di ung pigil umutot, pero ung mga pigil na ipakita sa kasama nila ang tunay na nararamdaman nila.
Katulad ngayon. Dito sa isang sikat na inuman ng kape. May dalawang tao, isang babae at isang lalakeng parehong nakaharap sa iisang laptop. Di nagtatawagan ng matatamis nga pangalan pero iisa lang ang cup ng kape nga iniinuman nila. Nagniningning at kumikislap ang mga mata habang nag-uusap. Panay apir nang dahil sa binabasa nilang artikulo tungkol sa Civil Liabilities. Pati ang body language ay nagsasabi na “Gusto kita!” pero wala silang sinasabi na ganoon sa isa’t isa.
Si lalake at mariing nakatitig kay babae habang nagbabasa ng artikulo sa laptop ng lalaki. Paminsan minsan ay pinaglalaruan ng babae and mahaba niyang buhok na parang nagpapahiwatig na pansinin sana siya ng lalake di bilang kaibigan kundi bilang isang kasintahan.
Ramdam ko ang feelings, ang vibes, pero nararamdaman ko rin na para bang malungkot sila pareho. Di ko alam kung bakit, pero may theory ako na malungkot silang pareho dahil di nila alam kung paano sabihin na gusto nila ang isa’t isa. Na nais nilang maging more than friends.
Hindi ko alam kung bakit tila may pader sa pagitan nilang dalawa.
Alam nyo ung kwento sa Greek mythology tungkol sa dalawang magkasintahan na pinapagitnaan nga isang mataas na pader? Ung kwent na magkaaway ung mga pamilya nila? Ung magkasintahan na pinagbawalan nga pamilya nila na makipagkita sa isa’t isa. Ung magkasintahan na nagawa pa ring ihayag ung pag-ibig nila sa isa’t isa kahit na may isang malaking pader sa pagitan nilang dalawa. Un.
Nakakalungkot lang. Pasulyap sulyap na lang. Mga kamay na konti na lang ay maghahawakan na. Pero di pwede kasi may pader. Isang malaki at malapad na pader na di naman nakikita pero alam nilang pareho an may pader sa pagitan nilang dalawa.
Kaya salita na lang ang ginagamit nila. Walang pahayag ng pag-ibig nang dahil sa pader pero salita na maraming sinasabing hindi naririnig nga ibang tao pwera na lang sa kanilang dalawa. Titig. Titig na parang tumitingin hanggang kaluluwa. Titig na nangugusap, na nagkukwento tungkol sa pag-ibig na hindi kailanman ay mabubunga sa pagitan ng mga taong ito.
Kaya pigil. Pigil ang pananalita. Pigil ang emosyon. Pigil ang damdamin.
Nakakatuwa. Pero kung iisipin mo talaga, ito ay nakakalungkot. Masakit sa puso. Masakit sa damdamin. Kelan kaya matatapos ang pagpipigil nilang dalawa? Sana ngayon na.
Comments
Post a Comment